By: Francis Isaac
(Ang sulating ito ay batay sa talumpating binigkas noong 14 Pebrero 2020 sa Batasan Hills National High School, Lungsod Quezon sa pagpapasimula ng Spoken Poetry Competition bilang bahagi ng Ako, Ikaw Tayo may Pananagutan Awareness-Raising Campaign ng G-Watch.)
Sa ngalan ng Government Watch o G-Watch, nais kong pasalamatan ang lahat ng nasa bulwagang na nagpasyang makiisa sa aming gawain na binansagang Ako, Ikaw Tayo may Pananagutan. Hindi natatangi sa Lungsod Quezon ang pagtitipong ito. Bagkus, bahagi lamang ito ng sabayang pagkilos na kasalukuyang isinasagawa ng iba pang G-Watch local sites na matatagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Katunayan, habang ako’y nagsasalita, may mga forum na nagaganap sa Pasig, Naga, Puerto Princesa sa Palawan, at sa isla ng Samal. Mayroon ding itinayong art exhibit sa Lungsod ng Marawi sa pangunguna ng mga estudyante ng Mindanao State University. Bukas, Pebrero akinse, magkakaroon din ng katulad na talakayan sa Cebu City, Bacolod, Dumaguete, at sa munisipyo ng Sibagat sa Agusan del Sur. At dito sa Quezon City, kasalukuyan tayong nagsasagawa ng Spoken Poetry competition bilang pakikiisa sa mga pagkilos na ito.
Ang pagtitipon at patimpalak ngayong hapon ay bunga ng ating pagnanais na isapuso ang pananagutan. Hindi matatawaran ang pagkilos na ito sapagkat nakaugat ang konsepto ng pananagutan sa atin mismong pagkabansa.
Malinaw ang nakasaad sa Article II, Section 1 ng ating Saligang Batas:
“Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”
Kung isasa-Pilipino ang talatang ito, ating matutunghayan na ang soberenya – o absolutong kapangyarihan – ay nakalagak sa mamamayan at sa kanila nagmumula ang lahat ng kapangyarihang taglay ng pamahalaan.
Dahil sa ganitong pagkakasulat ng ating Konstitusyon, maaari nating mailarawan ang sistema ng pamamahala sa Pilipinas bilang ipinahiram na kapangyarihan, na kung saan ang mamamayan ang siyang tunay na nagmamay-ari ng kapangyarihan at ipinahihiram lamang nila ito sa mga piling pinuno sa pamamagitan ng proseso ng halalan.
Samakatuwid, ang kapangyarihang nhawak ng mga opisyales ng gubyerno ay lubhang pansamantala sapagkat ito’y ipinahiram lamang. Dahil hiram ang kapangyarihang kanilang taglay, may obligasyon at pananagutan ang mga lider ng pamahalaan na gamitin ang kapangyarihang ito upang isulong, hindi ang kanilang pansariling interes, kundi ang interes ng nakararami.
Ang ideya ng ipinahiram na kapangyarihan ay hindi banyagang konsepto, kundi isang lunggati na masidhing ipinaglaban ng ating mga bayani.
Sa nobelang El Filibusterismo, sinulat ni Rizal, sa pamamagitan ng tauhang si Isagani, ang ganitong mga kataga:
“Kapag ibinibigay ng isang tao ang kanyang ginto at buhay sa Estado, may karapatan siyang humingi sa Estado ng liwanag upang higit niyang pakinabangan ang kanyang ginto at higit na mapangalagaan ang kanyang buhay.”
Ang ideyang ito ni Rizal ay ipinagpatuloy ng Katipunan, lalo’t higit ni Emilio Jacinto. Sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, binigyang diin ni Jacinto na:
“Ang pinakaulong ito (ng lipunan) ay siyang tinatawag ng Pamahalaan o Gobyerno at ang gaganap ng kapangyarihan ay pinangangalananang mga Pinuno ng Bayan.
“Ang kadahilanan nga ng mga Pinuno ay ang Bayan, at ang kagalingan at kaginhawahan nito ay siyang tanging dapat tunguhin ng lahat nilang gawa at kautusan.
“Ano pa mang mangyayari, ang mga Pinuno ay siyang mananagot.”
Sa kasamaang-palad, tila nalilimutan na ng ating mga kababayan ang konseptong ito ng pananagutan. Makikita ito, hindi lamang sa pagkikibit-balikat ng marami sa atin sa mga kaso ng katiwalian, kundi lalo’t higit sa halos kawalang-kakayahan ng ating mga institusyon na supilin ang pang-aabuso’t korupsyon at isulong ang pananagutan.
Kung kaya’t mahalaga ang pagtitipong ito upang tulungan ang mga kabataan na isapuso ang lunggating nagpakilos sa mga tulad ni Rizal, Jacinto at iba pang bayani ng Himagsikan. Kailangang maikintal sa mga kabataan ang kahalaghan ng pananagutan bilang kakambal ng kapangyarihan at bilang natatanging gulugod ng anumang demokratikong lipunan.
At dahil ngayon ay Araw ng mga Puso, nais kong ibahagi ang isang tula na pumapatungkol sa uri ng pag-ibig na hindi nangangailangan ng jowa – ang pag-ibig sa bayan. Bagaman unang nalathala noong dekada 1930, ang tulang ito ni Benigno Ramos ay nananatili pa ring makabuluhan hanggang sa kasalukuyan:
Ma’no nawang marinig mo ang paos kong panawagan,
ma’no nawang magising ka sa lahat kong karaingan;
kung ako man ay maaapi sa ganitong kalagayan
at masawi sa pagyakap sa dakila mong katwiran,
bayaan mong ako lamang ang mag-isang manambitan
at isulit sa Diyos na ikaw’y mapaglingkuran.
Ibubulong ko sa iyong mga bayan, nayo’t bukid
ang lahat kong kahapisang siya mo ring hapis;
bawat luha ng pighati’y siya na ring magtititik
sa langit ng aking sigaw na sa lupa’y di madinig;
sa ganito, mamatay man, mawala man sa daigdig
ang tinig ko’y maiiwan sa puso mo, Bayang ibig.